Maraming mambabatas ang nagtatanong, kailangan ba talaga ng Office of the Vice-President (OVP) at Department of Education(DepEd) ng confidential and intelligence funds?
Sa budget hearing ng Commission on Human Rights nitong Miyerkoles, pinitik ni Sen. Raffy Tulfo ang ilang ahensya ng gobyerno na umanoy hindi karapat-dapat mabigyan ng Confidential and Intelligence Funds (CIF).
Bagama’t walang binanggit na ahensya, matunog ngayon na pinag-uusapan ang opisina ni Vice-President at Deped Secretary Sara Duterte na may CIF na umaabot sa P650 milyon para sa 2024.
Inirekumenda ni Tulfo na dapat mas mabigyan ng C-I-F ang CHR sa gitna ng mapanganib na trabaho ng kanilang mga tauhan dahil isang milyong piso lang ang pondo nito sa intelligence gatherings.
Nakakagulat naman ang paggastos ng OVP ng P1.3 milyon bawat araw sa seguridad ni VP Sara at kanyang pamilya. WOW!
Punto ito ni House Deputy Minority Leader France Castro sa gitna ng paghihirap ng sambayanang Pilipino dulot ng pagtaas ng presyo ng bigas at mga pangunahing bilihin.
Kinuwestyon din ng minorya ang hinihirit na P500 milyon na confidential fund sa ilalim ng OVP at P150 milyon sa ilalim ng DepEd.
Banggit pa ni Castro, “Lumalabas na napaka-maaksayang opisina ng OVP. Napakagastos kung yung delivery of services sa pakahulugan ng kasalukuyang VP ay may kakabit na napakaluhong ‘price tag’ para sa security niya. Mabuti pa kung sa DSWD na lang ibigay ang P500 million para may pang-ayuda sa mga mahihirap,”
Ipinunto rin ni Albay Cong. Edcel Lagman na hindi kasama sa mandate ng OVP ang intelligence gathering kaya kailangan burahin ang P500 million sa tanggapan ni VP Duterte.
“As far as I’m concerned I don’t want a reduction. I want a complete elimination of that confidential fund” giit ni Lagman.
Nasilip din ng mga mambabatas ang 433 security personnel ni VP Sara. Base sa COA audit report, tumaas ng 455 percent ang security and protection expenses ng OVP noong 2022. Mas mataas ito kumpara sa 78 detailed personnel para sa security ni dating Vice-President Leni Robredo noong 2021. Sa kabuuang 683 tauhan, tinatayang nasa 63 percent o nasa 433 ang miyembro ng VPSPG na katumbas ng anim sa kada 10 personnel ng OVP.
Agad naman dumepensa sa COA report ang OVP. Wala raw masama rito at sinabing kailangan naman talaga ni VP Duterte nang seguridad dahil sa maraming engagements nito sa iba’t-ibang posisyon na kanyang hinahawakan.
Si VP Sara rin ang DepEd Secretary, co-vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict(NTF-ELCAC) at Pangulo ng SouthEast Asian Ministers of Education Organization(SEAMEO).
“The VPSPG will wholly provide all future Philippine Vice-Presidents with necessary security and protection, a fundamental task that it will inevitably perform even when the Vice-President and the President face the misfortune of having a relationship strained or broken political differences- a troubling situation we have seen during the past administration,” bahagi ng paliwanag ng OVP.
Tila nagiging tradisyon na ang paggamit ng intelligence funds kahit hindi naman talaga sila ang tamang ahensya para magkaroon nito. Sa ilalim ng batas, hindi na kasi kailangan pa na i-audit ng Commission on Audit ang C-I-F kaya madali itong maibulsa ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Kung meron po kayong komento at suhestyon, ipadala lang sa [email protected].
More Stories
Pelikulang Restored na ‘Bulaklak sa City Hall’, Nasa YouTube na!
Gatchalian: Pag-amyenda sa Teachers Professionalization Act layong iangat ang edukasyon sa bansa
ZERO BUDGET DESERVE NI VP SARA – ESPIRITU