November 18, 2024

MILITARY RETIRED GENERAL CARLOS GARCIA NA SANGKOT SA ‘PABAON’ SCANDAL PINALAYA

INANUNSIYO ng Bureau of Corrections (BuCor) na pinalaya na ang dating comptroller ng Armed Forces of the Philippines na si retired Major General Carlos Garcia.

Bagama’t hindi klinaro ng BuCor kung ang paglaya ni Garcia ay ngayong Biyernes, o mas nauna pa.

Pinatupad ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. ang paglaya ni Garcia matpaos bigyan ng approval ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.

Ayon sa BuCor, napagsilbihan na ni Garcia ang maximum na sentensiya niya dahil sa good conduct credits na ibinibigay sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 10592.

Maaaring bawasan ng batas ang mga taon ng pagkakakulong ng isang tao, depende sa kaso at pag-uugali habang nasa loob ng kulungan.

Si Garcia ay hinatulan ng Sandiganbayan na makulong ng apat hanggang walong taon dahil sa direct bribery, at panibagong apat hanggang anim na taon “for facilitating money laundering”.

Hinatulan din siya ng minimum na isang taon at walong buwan hanggang maximum na dalawang taon at apat na buwan dahil sa perjury, at maximum na dalawang taon para sa paglabag sa article of war.

Nakulong si Garcia sa Bilibid noong Setyembre 16, 2011, subalit ang kanyang official detention ay nagsimula noong Hunyo 2005. Inaresto siya noong  2005 matapos ang inihaing plunder case laban sa kanya sa Sandiganbayan. Nagsilbi ang retired military general  ng 17 taon, limang buwan, at walong araw sa loob ng kulungan.

Nasangkot si Garcia sa “pabaon” scandal sa military noong panahon ni dating President Gloria Macapaga-Arroyo. Ang kaso ay inusig ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III, kung saan inakusahan si Garcia ng pagkalamal ng P303.2 milyong halaga ng ill-gotten wealth.

Pumasok siya sa plea bargain agreement at umamin siyang guilty sa mas mababang kaso na direct bribery at facilitating money laundering.

Imbes na habambuhay na pagkakulong, na parusa sa plunder, hinatulan siya ng walo hanggang 14 taon na pagkakulong at pagbabayad ng P407 milyon. Ibinalik din niya sa gobyerno ang P135.4 milyon.