November 29, 2024

NAGSUSUMIKAP KUMITA  NA MGA RIDERS AT ONLINE SELLERS, IMBES NA ALALAYAN GUSTO PANG PIGAIN NG MGA TAGA-GOBYERNO

Nakakatapak pa ba sa lupa ang gabinete at ilang opisyales ng administrasyong Marcos?!

O mayroon bang ‘nakapasok’ na kaaway sa ‘inner circle’ ni Pangulong Bongbong Marcos Jr na ang layunin ay ihakot siya ng galit o kaaway?

Bakit natin naitatanong ito?

Mantakin n’yo naman, marami sa ating mga kababayan ang walang trabaho dahil nga’t ilan sa mga kompanya ay ang hinanap ay may experience o ‘di kaya’y college graduate.

Kaya marami tayong mga kababayan na para masustina ang pangangailangan ay pumasok sa online selling at pagiging motorcycle rider.

At lalong lumakas ngayon dahil sa makabagong teknolohiya kasi nga’y ang iba ay tamad ng pumunta sa mga mall kaya’t sa cellphone na lang nagdududotdot para maghanap ng matsitsibog o iba pa nilang pangangailangan na gusto nilang bilhin sa online platform. Iwas trapik pa!

Ngayong maluwag na ang ating bansa sa COVID-19, inakala ng mararami nating mga kababayan na luluwag na ang kanilang paghahanapbuhay pero mali pala.

E kasi, heto ngayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), imbes na gumawa ng alternatibong solusyon – ang naisip nila’y patawan ang mga motorcycle riders na sumisilong sa ilalim ng foot bridge at flyover tuwing umuulan sa Agosto 1.

Hindi nga dapat sumisilong sa ilalim ng mga tulay ang riders, ngunit napipilitan sila dahil delikadong magmaneho at magkasakit kapag biglang naabutan ng malakas ng buhos ng ulan.

E bakit nagmamadali ang MMDA na pagmultahin agad ang mga motorcycle riders samantalang hindi pa naman naihahanda at naiaanunsiyo ng tama kung saan-saan ba ang wastong sisilungan at kung papaano ang sistema?

Isa pa itong Bureau of Internal Revenue (BIR), target daw ng ahensiya na ipatupad sa last quarter ng taong kasalukuyang ang pagpataw ng  buwis mula sa mga online sellers.

Ani ng ahensiya, ang nasabing proposal daw ay hindi na bago dahil ito ay bahagi lamang ng collection sa umiiral na batas.

Maari na rin sa susunod na taon ang full implementation ng nasabing batas.

Nagbunsod ang nasabing panukala dahil sa patuloy ang pamamayagpag ng mga online sellers sa bansa.

Ibigsabihin, lahat ng online sellers ay mabubuwisan kahit ‘yung sumisistema lang.

Kaya nga tila nagbabanta ang BIR, dapat lahat ng online sellers ay magrehistro sa BIR. Ang mahuhuling hindi nagrehistro ay papatawan daw ng mas malaking buwis.

At kapag nakarehistro na sa BIR, kailangan nang mag-imprenta ng official receipt at kailangan magmantina ng libro de cuenta. Sa pamamagitan kasi niyan, makukuwenta na ng BIR kung magkano ang ipapataw na buwis sa online sellers.

Simpleng-simpleng pananalakab sa maliliit nating mga kababayan na halos hand-to-mouth existence na nga lang ‘e, gusto pang agawin ang kaning isusubo sa kanilang pamilya.

Anti-poor taxation na po ‘yan!

Bakit nga naman hindi ‘yung P50 bilyones na ‘yun ang habulin kaysa ‘kubain’ sa barya-baryang pinagkakakitaan ng ating mga kababayan?

Marami na tayong mga kababayan na nasasakal sa mga ‘gimik’ nitong gabinete ni Pangulong Marcos Jr. Mr. President, pakitanong na nga po kung nakaapak pa sa lupa ‘yang mga Gabinete ninyo?!

E mukhang nasa alapaap na ‘yang mga gabinete ninyo’t hindi na ramdam ang kalam ng sikmura ng 31 milyong na bumoto sa inyo. Buset!