December 20, 2024

Binata isinelda sa P170K shabu sa Caloocan

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang binata matapos mabisto ang dalang mahigit P.1 milyon halaga ng shabu makaraang maaresto sa ilegal na sugal sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si Ariel Testado, 21, ng 1671 Gumamela Street, Malaria Tala, Brgy. 185.

Sa ulat ni Col. Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, habang nagsasagawa ng foot patrol bilang parte ng Simultaneous Anti-criminality law enforcement operations (Sacleo) ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 13 sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Artemio Cinco Jr sa Phase 7C, Bagong Silang, Brgy. 176 nang mapansin nila ang suspek na nagpapataya ng ilegal na sugal na “Ending”, dakong alas-11:20 ng gabi.

Dinakip ng mga pulis ang suspek, kasama si Alvin Amatorio, 22, (bettor) at nang kapkapan ay nakuha nila kay Testado ang isang medium plastic sachet na naglalaman ng nasa 25 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P170,000, ending card, ballpen, sling bag at P2,500 bet money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9287 (Illegal Number Game) habang karagdagang kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin ni Testado.