November 24, 2024

SOLGEN, DISMAYADO SA DESISYON NG ICC

Dismayado ang Office of the Solicitor General sa desisyon ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) sa apela ng Pilipinas na itigil ang planong imbestigasoyn sa war on drugs ng pamahalaan

Sa statement ng SolGen na binasa  ni Assistant Solicitor General Myrna Agno-Canuto, pinuno ng OSG War on Drugs Task Force, sinabi na dahil sa naturang desisyon ng ICC Appeals Chamber, hindi kinilala at mistulang hinamak ang karapatan sa soberanya ng Pilipinas na mag-imbestiga sa mga itinuturing na serious crimes.

Iginiit ng SolGen na kahit kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statue ay naghain pa rin ang Pilipinas ng mga data sa Office of the Prosecutor at sa Pre-Trial Chamber hindi dahil may obligasyong ligal kundi dahil sa tinatawag na “comity”.

Binanggit din ng SolGen ang pagsasagawa ng internal investigation at prosecution activities na may kaugnayan sa war on  drugs ng pamahalaan.

Ayon sa SolGen, ito ay ay malaking bagay na binalewala ng mayorya ng Pre-Trial Chamber.

Nanindigan ang SolGen na maayos nilang nailatag sa Appeals Chamber ang isyu ng hurisdisyon nito sa Pilipinas

Sabi pa ng SolGen, bagamat majority decision ang inilabas na hatol ng Appeals Chamber, hindi  maikakaila ang katotohanang may sariling internal investigation at prosecution ang Pilipinas kaugnay ng war on drugs ng pamahalaan.

Nanindigan din ang co-counsel ng SolGen na si Sara Bafadel, na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas dahil sa pagkalas nito sa Rome Stature noong March 17, 2019.

Sakaling ituloy ng ICC ang imbestigasyon at umabot sa puntong magpapalabas na ito ng arrest warrant, sinabi ni Bafadel na bagamat ito ay maituturing na political decision sa panig ng pamahalaan, maaaring manindigan ang Pilipinas na walang hurisdiksyon dito ang ICC at hindi maaring puwersahin ng ICC prosecutors ang sinumang Filipino na  humarap sa  paglilitis  dahil sa naging pagkalas nito sa Rome Statute noong 2019.