December 25, 2024

HVI arestado sa P1.7 milyon shabu sa Valenzuela

BAGSAK sa kalaboso ang isang miyembro ng “Alvin Velasco Drug Group” na itinuturing bilang high value indibidual (HVI) matapos makunanan ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu nang maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr ang naarestong suspek na si Elmer Sarmiento alyas “Topak” @ “Tol”, 36 ng Area 3, Pinalagad, Brgy. Malinta.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Destura na nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng shabu kaya ikinasa nila ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Cpt Joel Madregalejo laban sa kanya.

Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P40,000 halaga ng shabu at makikipagkita umano ito sa Aca Road, Mac Arthur Highway, Malanday kung saan magaganap ang kanilang transaksyon.

Nang tanggapin ng suspek ang markadong salapi mula sa poseur-buyer kapalit ng isang knot tied transparent plastic sachet ng shabu ay agad lumapit ang back-up na operatiba at inaresto siya ng mga ito, dakong alas-2:15 ng madaling araw.

Ani PSSg Ana Liza Antonio, nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 250 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P1,700,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill, tatlong P500 at 38-pirasong P1,000 boodle money, P300 recovered money, cellphone, belt bag at isang motorsiklo.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.