ARESTADO ang isang tricycle driver matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa bisa ng ipinatupad na search warrant ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang naarestong suspek bilang si Crisanto Eugenio, 43 ng No. 17 Kasarinlan St., Brgy. Muzon na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition).
Lumabas sa imbestigasyon na nakatanggap ang Malabon Police Sub-Station 7 ng impormasyon na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril ang suspek.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Hon. Rhoda Magdalene L Mapile-Osinada, Executive Judge ng Malabon City Regional Trial Court noong June 16, 2023 para sa paglabag sa RA 10591 ay hinalughog ng mga tauhan ng SS7 ang loob ng bahay ng suspek.
Dito, nakumpiska ng searching team sa ilalim ng unan ng bed room ng suspek ang isang cal. 38 revolver na may apat na bala at isang holster na nakalagay sa loob ng bag pack.
Nang walaang maipakita ang suspek ng kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng naturang baril ay pinosasan siya ng mga pulis.
Isusumite na sa NPD Forensic unit ang nakumpiskang baril upang matukoy kung kabilang ito sa armas na nagamit sa mga nangyaring krimen.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA