December 26, 2024

PARING EXORCIST, PINADADAKIP NG KORTE

PINADADAKIP ng korte ang isang pari bunga ng kasong kinakaharap nito na nag-ugat sa umano’y pangungutya, malisyoso at mapanira nitong mga pahayag laban sa Our Lady Mary Mediatrix of All Grace.

Batay sa isang pahinang kautusan ni Presiding Judge Madonna Echiverri ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 81, inaatasan nito ang mga awtoridad na arestuhin si Fr. Winston Cabading ng Archdiocese of Manila Office of Exorcism matapos makakita ng sapat na batayan kasong paglabag sa Article 133 ng Revised Penal Code o offending religious feelings laban sa akusado.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni dating Sandiganbayan Associate Justice at ex-Commission on Elections Chairman Harriet Demetriou sa QC Prosecutor’s Office.

Isiniwalat sa demanda ni Demetriou na nakita umano sa isang video si Fr. Cabading na tila pinagtawanan ang pag-ulan ng mga talutot ng rosas at ang pagkakaroon ng langis sa imahe ng Birhen.

Sinasabing kinutya rin ni Cabading sa isang conference ang mga aparisyon ng Birheng Maria sa Lipa City, Batangas noong 1948.

Maliban dito, tinukoy din ni Demetriou sa kanyang reklamo ang pambabatikos ni Fr. Cabading sa serye ng pagpapakita ng himala ng Birhen na nasaksihan ng ilang madre at nakasaad sa umano’y lecture ng pari na pinamagatang “Basic Catholic Theology on Angels and Demons, Angels in Christian Life.”

Binanggit ng dating Comelec chief na hindi lang ang Our Lady Mary Mediatrix ang kinutya at hinamak ng pari kundi maging ang mga deboto nito.

Giit ni Demetriou, ang ginawang pagtawag ni Fr. Cabading sa Mediatrix of All Grace bilang ‘demonic’ o may sa demonyo ay “notoriously offensive.”

Kasabay nito, nagpahayag naman ng suporta si Fr. Pio Aclon, isang pari mula sa Borongan, Samar, sa pagsasampa ng kaso ni Demetriou laban kay Fr. Cabading. Napag-alaman na papalo naman sa P18,000 ang itinakdang piyansa ng korte para sa pansamantalang paglaya ni Fr. Cabading. ANT