November 17, 2024

6 timbog sa Navotas buy bust, P136K shabu, nasabat

SWAK sa kulungan ang anim na hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang barbero na tulak ng illegal na droga matapos malambat ng pulisya sa isinagawang buy buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong mga suspek na sina Crisanto Reyes alyas “Cris”, 50, barber, Geno Mendoza alyas “Oneg”, 27, Almoguera San Ramon alyas “Rigor”, 40, kapwa ng Malabon City, Ian Suico, 29, welder, Edito Adobo Jr alyas “Edie Boy”, 36, at Emmanuel Constantino alyas “Nognog”, 35, pawang ng Navotas City.

Sa ulat ni Col. Umipig kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Peñones Jr, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang Regular Confidential Informant (RCI) hinggil sa illegal drug activities ni Reyes kaya isinailalim siya sa validation at surveillance operation.

Nang positibo ang ulat, agad ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Cpt Luis Rufo Jr, ang buy bust operation sa kontra kay Reyes sa Sampaguita St., Brgy. Tanza I, dakong alas-7:24 ng gabi kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa kanya ng P500 halaga ng shabu.

Matapos tanggapin ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba, kasama ang lima pang mga suspek na naaktuhang sumisinghot umano ng shabu sa loob ng dating barber shop ni Reyes.

Nakumpiska sa mga suspek ang anim heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 20 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) value na P136,000.00, buy bust money at ilang drug paraphernalias.

Ayon kay PSSg Eldefonso Torio, kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).