November 19, 2024

‘OIL SMUGGLERS’ TINUMBOK NI TULFO

Tuluyan nang pinangalanan ni Senator Raffy Tulfo ang mga umano’y oil smugglers sa bansa.

Tinukoy ito ng senador sa gitna ng consultative meeting kaugnay sa estado ng implementasyon ng Fuel Marking Program ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC). Direktang pinangalanan ni Tulfo ang isang Don Rabonza na kilala sa Navotas na umano’y smuggler ng langis at ng asukal na galing Hong Kong.

Sunod na pinangalanan ng senador ang mga sinasabing oil smugglers ng Batangas at Sariaya, Quezon na sina Sonny Qiu, Jackie Chu, Aron Uy at Lindon Tan. Tinanong din ni Tulfo ang Customs kung kilala sina Alex Cua, Bogs Violagu, Jong Mangundadatu at Dondon Alahas na nag-o-operate naman umano sa Mariveles, Bataan.

Ayon naman sa kinatawan ng BOC na si Special Agent II Anthony Escandor na hindi niya kilala ang lahat ng mga binanggit na pangalan ng senador. Nadismaya rin ang senador na wala ni isang mataas na opisyal mula sa mga inimbitahang ahensya ang humarap sa consultative meeting.