December 21, 2024

3 durugista isinelda sa P72K shabu sa Malabon

BAGSAK sa loob ng rehas na bakal ang tatlong hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang bebot matapos mabitag sa isinagawang buy bust operation ng pulisya Malabon City, kamakalawa ng umaga.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek bilang sina Elger Glenn Momo alyas “Long”, 35, Jovy Langgoy, 28, at Servando Orosco alyas “Kalbo”, 21, pawang residente ng Caloocan City.

Sa ulat ni Col. Daro kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Penones Jr, dakong alas-6:30 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PCAPT Alexander Dela Cruz ng buy-bust operation sa Gozon Compound Brgy. Tonsuya kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P500 halaga ng shabu.

Nang matanggap ang pre-arrange signal mula sa kanilang kasama na nagsilbing poseur buyer na hudyat na nakabili na siya ng droga sa target nila ay agad lumapit ang back up na mga operatiba saka inaresto ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek limang pirasong small heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigi’t kumulang 10.6 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) value Php 72,080.00 at marked money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.