November 19, 2024

BOC-Clark, NAIA nasabat P13.8-M shabu; 2 arestado

NAPIGILAN ng Bureau of Customs-Port of Clark at NAIA ang tangkang pagpuslit sa bansa ng P13.8 milyon halaga ng shabu na nakatago sa loob ng sports jugs.

Nadiskubre ang illegal na droga sa isang kargamento na sinasabing naglalaman ng “microserver double stairless ceramic,” na dumating mula Bangkok, Thailand.

Minarkahan ang kargamento para sa physical examination nang lumabas ang kahina-hinalang imahe sa isinagawang x-ray scanning.

Nagresulta ang physical examination sa pagkakadiskubre ng apat na piraso ng 3 litro ng stainless sport jug na naglalaman ng shabu na nakabalot sa plastic at aluminum foil.

Dinala at itinurnover ang representative samples sa PDEA para sa chemical laboratory analysis, kung saan nakumpirma ang presensiya ng shabu, isang dangerous drug sa ilalim ng Republic Act (R.A) No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention laban sa kargamento.

Bunsod dito, nagsagawa ng joint delivery operations ang Port of Clark, NAIA at PDEA, na nauwi sa pagkaaresto ng dalawang claimants sa Pasay City.