December 21, 2024

BUWENAMANONG PANALO ITINALA NG N.E. SLASHERS AT CALOOCAN SA PSL DUMPER CUP BAKBAKAN

NAITALA ng Nueva Ecija Slashers at Kankaloo- Caloocan  Koolers ang buwenamanong panalo sa magkatulad na estilo sa pagpapatuloy ng elimination round ng Pilipinas Super League Pro Second Coference Dumper Cup kamakalawa sa Caloocan Gym.

Naungusan  ng Slashers ang palabang  Koponang Lakan Bulacan 79-62 para sa unang panalo sa ligang inorganisa ni PSL president Rocky Chan katuwang sina vice president Ray Alao,comissioner Marc Pingris at CEO Dinko Bautista.

Tinanghal na Winzir Best Player of the Game si  Jerick Nacpil na pumoste ng 14 puntos,4 rebounds at 2 steals.

Dikdikan ang laban kung saan ay natapos ang first half ,42-31 pabor sa Nueva Ecija.

Sinilihan naman ng Caloocan ang mapanganib na Bicol Spicy Oragons team ni coach Monel Kallos,78-74 sa isa pang pukpukang labanan mula simula kung saan ang mas matatag na Kankaloo ang namayani sa endgame.

Magiting na binitbit ni Reil Cervantes ang Koolers hanggang sa pagtunog ng final buzzer angat ang home team sa buong kagalakan ng homecrowd na lumusob sa Caloocan Gym.

Kumamada ang Winzir BPG na si Cervantes ng game high 23 puntos,2 rebounds at 5 steals mahigpit na bakbakan kung saan ay angat na ang Kankaloo sa unang hati 39-32. “Magaganda at high level ang mga bakbakan ng mga koponan dito sa Pambansang liga natin.Mula sa overwhelming opening games sa Araneta Coliseum ay dagsa ang ating mga PSL followers.Salamat basketball fans,” wika ni PSL president Chan nagpasalamat sa suporta ng Dumper Party List,Winzir,Unisol,Converge Fiberx,Finn Cotton,WDC,Wcube Solution at Don Benitos.