November 28, 2024

DA WHO: ALKALDE ADIK SA LOUIS VUITTON

USAP-USAPAN ngayon sa apat na sulok sa isang bayan sa Region 4A ang madalas na pamamasyal at pag-iipon ng mamahaling Louis Vuitton ng isang bagong halal na alkalde.

Sinabi sa atin ng ating mga matang gala, na madalas kasama ng alkalde sa pamimili ng LV itong tomboy na kapatid ng head ng Procurement o Bids and Awards Committee (BAC) ng Kapitolyo. E ‘di wow!

Humahada ang mga lintek!

Hindi na nahiya sa kanyang mga constituent itong si Mayor na sa dami ng problema sa kanyang bayan ay mas inuuna pa nito ang mamasyal at mamili ng mga mamahaling LV.

Walang masamang mamasyal sa ibang bansa at mamili ng mamahaling LV lalo na kung ang gagamiting pambili ay galing sa sariling bulsa at hindi galing sa pera ng taumbayan.

Nitong kamakailan pala ay nabunyag na P48,000 na lamang daw ang pondo ng kanilang bayan? E ‘di wow ulit!

Lokohin ninyo lelong ninyong panot.

Kaya pala ang mga senior dumadaing sa ibibigay na cash gift sa kanila ng pamahalaang bayan ngayong magpa-Pasko dahil imbes na P4,000 ay P2,000 na lamang ang matatanggap nila dahil wala na nga raw pondo. Susmaryosep!

May pambili ng LV pero pinagkakaitan ng cash gift ang mga nakakatanda? Aysus!

Naglaan ng pondo na P6 milyon sa pagpapakabit ng mga Christmas light at pa-concert pero wala pondo para sa mga senior? Aba, wala kayong kahabag-habag.

Hindi na sila makapaghihintay, lalo pa’t nasa panahon na sila ng kanilang “dapit-hapon,” ipagkakait pa ba sa kanila ang kapiranggot na cash gift?

‘Yan ba ang ibinoto ninyong alkalde?”

Sino nga ba ang alkalde na ito? Aba madali lamang malalaman ito dahil siya ay isang dating kupitan este kapitan sa isang barangay sa kanilang bayan at kilala bilang si Mr. Smile. ‘Yun na!

***

Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa [email protected]