November 29, 2024

P170K shabu nasabat sa babaeng tulak sa Caloocan

TINATAYANG nasa P170,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa isang bebot na umano’y tulak ng illegal na droga matapos maaresto sa buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Pinuri ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones si District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief PLt. Col. Renato Castillo sa matagumpay na pagkakaaresto sa umano’y drug pusher na kinilala bilang si Jocelyn Otano alyas “Josephine”, 40 ng Brgy. 188 ng lungsod.

Ayon kay Col. Peñones, dakong alas-9 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU, kasama ang Sub-Station 14 ng Caloocan police sa pangunguna ni P/Major Segundo Bulan ng planned buy-bust operation sa Riverside, Phase 12, Brgy. 188 matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ng suspek.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P7,500 halaga ng droga at nang tanggapin niya ang marked money mula sa police poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay agad siyang dinakma ng mga operatiba.

Bukod sa nabiling isang plastic sachet ng shabu, nakumpiska pa sa suspek ang isang knot-tied transparent plastic bag na naglalaman lahat ng humigi’t kumulang 25 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P170,000, buy bust money na isang P500 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money at pulang pouch.

Kasong paglabag sa Section 5 (Sale) and Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.