November 24, 2024

Blood banks sa mga ospital ng lungsod, muling gagawing aktibo – Mayor Honey

Pinangunahan ni Mayor Honey Lacuna (center) ang 35th Biennial Assembly of the Manila Red Cross.  Kasama niya sina city administrator Bernie Ang, District 1 Congressman Ernix Dionisio (right), Councilor Mon Yupangco, Peter Gaisano, (Lacuna’s right) St. Peter’s Life and Non-Life plans owner Dr. Mildred Vitangcol, former city ad Felix Espiritu at former Rep. Amado Bagatsing. (JERRY S. TAN)

GAGAWING muling aktibo ng pamahalaang-lungsod ng Maynila ang blood banks sa dalawang malalaking district hospitals nito.

Ito ang inanunsyo ni Mayor Honey Lacuna  matapos na siya ay dumalo sa  35th Chapter Biennial Assembly ng Philippine Red Cross Manila Chapter na ginawa sa Manila Hotel nitong weekend,  kung saan nagpahayag siya ng buong pusong pasasalamat sa bagong liderato ng  Manila Red Cross sa pagkakatalaga   sa kanya bilang  honorary chairman.  Siya ay sinamahan sa nasabing pagtitipon ng mga newly-elected board directors City administrator Bernie Ang, first district Congressman Ernix Dionisio at Councilor Mon Yupangco at St. Peter’s Life and Non-Life plans owner Dr. Mildred Vitangcol.

Sa kanyang talumpati ay binangit niya sina  Gov. Andrew Nocon ng Philippine Red Cross, Cong. Amado Bagatsing na siyang Chairman of the Board ng Manila Red Cross at PRC-Manila Chapter,  assembly chairperson Dr. Magdalena Lim at sinabing:“Isang karangalan na maging kaisa at katuwang ninyo sa pagsasakatuparan ng mga programa at proyektong nagsusulong sa adbokasiya ng krus na pula,” pahayag ng alkalde kasabay ng kanyang pasasalamat sa malaking tulong na ibinibigay ng  Red Cross lalo na sa mga nangangailangan ng dugo.

Idinagdag pa nito na : “Kami naman sa pamahalaang lungsod ng Maynila ay patuloy sa pagsisikap na maitaguyod at gawing aktibo ang blood bank sa Ospital ng Maynila at gayundin ang itatayong blood bank sa Sta. Ana Hospital sa tulong ng isang non-government organization.”                                               

Pinuri ng lady mayor ang kahandaan at kakayahan ng  Red Cross na magsagawa ng  rescue at retrieval operations, emergency assistance at disaster relief sa panahon na mayroong kalamidad at   emergencies.

Binigyang papuri din ng kauna-unahang babaeng alkalde ng kabisera ng bansa ang mga ginawa ng orgabisasyon upang patuloy na gumawa ng kamulatan at kaalaman    sa first aid at disaster preparedness sa pamamagitan ng mga pagsasanay sa mga kabataan at ilang indibidwal sa paaralan at pamayanan.

“Hangad ko ang pagpapatuloy ng pag-anyaya at pagtuklas ng mga bagong kasapi at mga bagong lider na may layuning maging Red Cross volunteer. Patuloy tayong makapaghikayat ng mga taong makapagbibigay ng kanilang oras, talento, kakayahan, lakas at kabuhayan upang maisulong ang dakilang misyon ng krus na pula. Sa bolunterismo higit na magiging makulay at makahulugan ang buhay,” ayon kay Lacuna.

Ang Red Cross, ayon kay Lacuna, ay katuwang ng  lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng de kalidad na serbisyo na layuning protektahan at magsalba ng buhay at ibalik ang dignidad lalo na sa mga nangangailangan. 

Pinuri niya ang organisasyon dahil pinatunayan nito kung ano nga ba ang kahulugan ng volunteerism at generosity sa maraming taon ng kanilang pag-iral. 

“Ang kusang loob at bukas palad na paglalaan ng panahon sa paglilingkod, sa hangaring makatulong sa ibang tao, lalo na sa mga panahong sila’y nahihirapan at nawawalan ng pag-asa. Maraming pagkakataon nyo nang ipinakita ang kadakilaan ng inyong pagmamalasakit sa ating mga kababayan,” sabi ng alkalde. 

Ayon kay Lacuna, ang pinakamainam na gawin para makatulong sa mga nawawalan ng pag-asa ay gumawa ng makabuluhang bagay para sa kanila.  

“’Yung pagsasakripisyo natin sa paggawa ng mabuti ay tiyak na masusuklian din. Sabi nga ni Saint Mother Teresa of Calcutta, “charity isn’t about pity, it’s about love.” Ito ang nababanaagan ko sa bawat isa sa inyo–puno ng kasiglahan at kasiyahan na maging bahagi ng Red Cross,” dagdag pa ni Lacuna.