December 24, 2024

Nagpaputok ng baril sa KTV bar negosyante arestado

NADAKIP ang isang negosyante ng mga tauhan ng Valenzuela police matapos walang habas na magpaputok ng baril sa loob ng isang bar sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Ferdinand Del Rosario ang naarestong suspek bilang si Tommy Nikko Ong, 33, ng Delos Reyes St., Brgy., Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Ayon kay Col. Del Rosario, dakong 1:30 ng madaling araw nang pumasok ang suspek sa isang ktv bar sa Brgy. 78, McArthur Highway, Caloocan City ang suspek saka kinumpronta ang isang babaeng sumasayaw at nagkasagutan ang mga ito.

Bigla na lamang bumunot ng baril ang suspek na dating kasintahan umano ng isa sa mga dancer at walang habas na nagpaputok ng baril pataas bago sumabay sa mga taong nagtakbuhan palabas ng bar at tumakas.

I-nireport ang insidente sa mga tauhan ng Caloocan police na agad namang nagsagawa ng dragnet operation at nakipag-ugnayan sa Valenzuela police kaya kaagad inalarma ni P/Col. Salvador Destura Jr ang kanyang mga tauhan na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek matapos maharang ng SWAT team sa T. Santiago St., Brgy., Malanday, McArthur Highway, Valenzuela City sakay ng isang pulang kotse.

Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .45 baril na kargado ng isang bala, isang magazine na karado ng siyam na bala at isang empty magazine.

Nahaharap ang suspek sa kasong indiscriminate firing, grave threat, at paglabag sa Republic Act 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013), Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Alarms and Scandals.