November 18, 2024

PH AYAW PASUKIN NG INVESTORS DAHIL SA KIDNAPPING – JV

NAGPAHAYAG ng paniniwala si Sen. JV Ejercito na matatakot ang mga investor na mamuhunan sa Pilipinas kung hindi matutuldukan ng Philippine National Police (PNP) ang mga insidente ng kidnapping sa bansa.

“Dati kasi wala nang kidnapping. Dapat talaga mawala yan because that will definitely affect our business climate. Matatakot ang investors pumunta sa atin,” wika ni Ejercito.

Kinausap na aniya ni Senate President Juan Miguel Zubiri si PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. at kanyang nilinaw na karamihan sa mga kaso ng kidnapping ay naresolba na.

Sa kabila nito, itutuloy pa rin ng Senate committee on public order and dangerous drugs ang imbestigasyon sa isyu ng mga nagaganap na kidnapping sa bansa. Una rito ay inireklamo ng Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (FCCCII), ang 56 insidente ng kidnapping sa mga Filipino at Chinese nationals sa loob ng 10 araw.