November 24, 2024

8 nagpakilalang miyembro ng media arestado dahil sa pangongotong

Arestado ng mga operatiba ng Calamba police ang walong nagpakilalang miyembro ng media dahil sa kasong robbery-extortion na nambibiktima ng mga peryaan sa ikinasang entrapment operation sa Barangay Parian, Calamba City, Laguna ngayong araw.

Ayon kay Calamba City Police Chief P/Lt. Col. Arnel Pagulayan na ang mga naarestong suspek ay naiulat na nagpakilalang mga “media practitioner” sa iba’t ibang perya outlet, na karamihan ay mula sa lalawigan ng Rizal.

Kinilala ng ang walong suspek na sina Christopher Angeles Yu, Anne Cortez, Rose Marie Malazarte, Benjamin Javier Jr., Efren Dela Cruz Regaza, Theresa Dela Cruz Regaza, Rodamy Llamazares at Eric Flores Floro.

Kamakailan lang, ay naaresto rin ang mga suspek dahil sa parehong paglabag sa Victoria, Tarlac matapos mangotong sa mga operator sa mga peryahan.

Ang mga suspects ay gumagamit din ng mga fictitious names sa kanilang modus operandi,” saad ni Pagulayan.

Nakuha ng pulisya mula sa mga suspek ang iba’t ibang identification cards na ginagamit sa extortion activities.


Samantala, inihayag ng tatlong media organizations sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) na kinabibilangan ng Police Regional Office IVA (PRO IVA), Camp Vicente Lim Press Corps (CVLPC) at Calamba City Press Corps na hindi lehitimong miyembro ng media o practitioners ang nasabing mga suspek.

“Ang matindi nito ginagamit pa ang pangalan ni Regional Director P/Brig. Gen. Antonio Yarra sa kanilang extortion activities,” dagdag ni Pagulayan. (FELIX LABAN/BOYET BARBA JR)