November 24, 2024

P10K AYUDA NI CAYETANO: KUNG KAYA KONG IBIGAY, IBINIGAY KO NA

AGAD na ihahain ni Senator Alan Peter Cayetano ang kanyang panukalang “P10K Ayuda Bill, ngunit iginiit nito na isa itong panukala na nangangailangan pa ng aksyon mula sa Senado, Kamara at Palasyo.

Sa isinagawang oath-taking ceremony ng mga lokal na opisyal sa Taguig, ipinaliwanag ni Cayetano na ang kanyang panukalang batas ay kakaiba sa privately funded na “Sampung Libong Pag-asa” program na namahagi ng P10,000 ayuda sa mga piling benepisyaryo.

Sinimulan ang programa noong Mayo 2021 at nahinto nitong Pebrero 2022 alinsunod sa mga alituntunin na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) bago ang 2022 elections.

 “Sa mga nangba-bash sa 10K ayuda, kung kaya ko lang silang bigyan ng tag-sasampung libo, binigay ko na sa kanila. Pero sa katotohanan ito’y isang legislative proposal,” wika ni Cayetano.

“So ang hinihingi ko po doon sa mga tumutuligsa sa programang Sampung Libong (Pag-asa) during the pandemic, tumulong na lang kayo,” dagdag niya.

Matatandaan na maraming nam-bash kay Cayetano dahil sa pangako nitong magbibigay ng P10,000 ayuda. Naging trending pa nga ang video ng isang netizen habang naispatan si Cayetano sa isang mall sa Makati City at doon hiningan ng P10,000 ayuda, ngunit nandedma ang senador.