November 2, 2024

P1.1M SHABU, BARIL NASABAT SA NAVOTAS BUY BUST, 3 TIMBOG

KALABOSO ang tatlong hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng baril at mahigit P1 milyon halaga ng shabu sa buy bust operation sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Mark Renzo Valerio, 25, (pusher/listed), Jayzen Manalaysay, 34, fisherman, at Glen Lacson, 36, (user/listed), pawang residente ng lungsod.

Ssa report ni Col. Ollaging kay Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ulysses Cruz, dakong alas-12:25 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo, kasama ang TMRU, Sub-Station 4, Intelligence Section at NDIT, RIU-NCR ng buy bust operation sa Tanigue Extension, Brgy. NBBS Dagat-Dagatan.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba si Valerio at Manalaysay matapos bintahan ng P5,000 halaga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur-buyer, kasama si Lacson na nakahanan din ng hinihinalang shabu at baril.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 170 grams ng hinihinalang shabu na may corresponding standard drug price (SDP) Php 1,156,000.00, buy bust money, coin purse, tickler notebook, digital weighting scale, 2 sling bag at cal. 38 revolver Colt na may apat na bala.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagang kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive law on firearms and Ammunitions) ang kakaharapin ni Lacson.