November 24, 2024

BAYANIHAN E-KONSULTA NG OVP, ITITIGIL NA SA MAYO 31


ITITIGIL na ng Office of the Vice President (OVP) ang libreng teleconsultation services nito para sa COVID-19 sa susunod na linggo, Mayo 31.

Itinatag ang Bayanihan E-Konsulta para mapaluwag ang mga punong ospital bunsod sa pagsipa ng mga tinamaan ng COVID-19 sa bansa.

Sa pamamagitan ng programa, libre ang konsultasyon sa mga volunteer doctor at iba pang health professionals sa pamamagitan ng Facebook page at Messenger. Bukod sa teleconsult services, nagbibigay rin sila ng impormasyon patungkol sa testing, quarantine at iba pang available platforms sa serbisyong medical.

 “Taos-puso kaming nagpapasalamat sa lahat ng nakipagbayanihan sa atin para maabot ang mga kababayan nating nangangailangan ng tulong medikal ngayong panahon ng COVID-19 pandemic,” mababasa Facebook post ng OVP.

Pansamantala ring ihihinto ng tanggapan ang pagtanggap ng aplikasyon para sa medical at burial assistance simula Hunyo 1 para masiguro pa rin ang maayos na pag-turnover ng programa sa susunod na Pangalawang Pangulo.

Si Davao City Mayor Sara Duterte ang nakatakdang pumalit kay Robredo sa susunod na anim na taon kung pagbabasehan ang naging resulta ng halalan noong Mayo 10.

“Makakaasa po kayong babalikan kayo agad ng Tanggapan para sa mga updates ukol dito,’ anang OVP.

Nagpaabot muli ang OVP ng taos-pusong pasasalamat sa mga nagbigay ng tiwala lalo na’t aktibo ring nakiisa ang ilang pribadong mamamayan para isakatuparan ang ilang programa ng OVP.

“Isang malaking karangalan po sa amin na kayo ay mapagsilbihan,” anang OVP.