November 23, 2024

2 nasakote sa higit P1 milyon shabu at granada sa Navotas

Muli na namang naka-iskor ng tagumpay ang Northern Police District (NPD) sa kanilang paglaban sa ilegal na droga kasunod ng pagkakaaresto sa dalawang drug pushers at pagkakakumpiska ng mahigit ng P1 milyon halaga ng shabu at granada sa buy-bust operation sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni NPD Director P/BGen. Ulysses Cruz ang naarestong mga suspek bilang sina Mark Joseph Nicandro, 34 ng Brgy. Daanghari at Jomar Jayona, 24 ng Brgy. San Roque, kapwa kabilang sa police at barangay drug watch list.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, nadakip ang mga suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo sa buy bust operation dakong 1:25 ng madaling araw sa kahabaan ng Ignacio St., Brgy. Daanghari matapos bintahan ng P300 halaga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur-buyer.

Narekober ng mga operatiba sa mga suspek ang aabot sa 160 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P1,088,000.00 at marked money habang natagpuan din sa bahay ni Nicandro ang isang granada kaya humingi ng tulong si Lt. Rufo sa Explosive Ordnance Division (EOD). Pinuri ni Cruz Navotas City police sa mahusay nilang trabaho habang ipi-prinisinta naman ang mga suspek sa inquest proceedings sa Navotas City Prosecutor’s para sa kasong selling and possession of illegal drugs under R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerou Drug Act of 2002, samantalang karagdagang kasong paglabag R.A. 9516 o Unlawful Possession of Explosive ang isinampa kay Nicandro.