November 18, 2024

TIGNAN: Hustisya para kay Jovencio Senados!

Nagsagawa ng indignation rally sa Manila City Hall ang mga kawani at miyembro ng prosecutor’s office upang humingi ng hustisya sa pinatay na si Chief City Prosecutor Jovencio Senados noong nakaraang Martes. (Kuha ni NORMAN ARAGA)

NAGSAGAWA ng protesta ang Prosecutors’ League of Manila sa City Hall upang humingi ng hustiya para sa kanilang kasamahan na si Senior Assistant City Prosecutor of Manila Jovencio Senados na napatay matapos pagbabarilin sa Paco, Manila.

            “The killing of Chief Senados is not only an assault to a hardworking, brilliant & dedicated public servant who devoted decades of his life to public service but also an assault to the rule of law,” pahayag ng nasabing liga.

Suot ang itim na t-shirt at bitbit ang tarpaulin na nakasulat ang kanilang panawagan, nagsagawa ng protesta ang mga prosecutor at empleyado ng prosecutors’ office dakong alas-10:30 ng umaga.

Si Senados, 61, ay napatay noong Hulyo 7 sa Paco, Manila dakong alas-11:00 ng umaga ng mga armadong kalalakihan lulan ng itim na Mitsubishi Montero na papunta sana sa City Hall.

 Ipinag-utos ni Manila Mayor  Isko Moreno kay Manila Police District (MPD) chief Gen. Rolly Miranda ang malawakang imbestigasyon para maresolba at mabigyan ng hustisya ang karumal-dumal na pagpaslang kay Senados.

Sinabi ni Moreno na ang insidente ay makaaapekto sa hudikatura at karapatan ng Manilenyo para sa payapang kapaligiran.

Lumalabas sa ulat na 50 abogado, tagausig at hukom ang napatay simula noong taong 2016.