December 23, 2024

Mga labi ng 274 na OFW mula Saudi Arabia iuuwi sa Biyernes

TULOY na ang pagpapauwi sa bansa ng mga labi ng 44 Overseas Filipino Worker (OFW), kabilang ang mga nasawi sa COVID-19 sa Saudi Arabia sa Biyernes.

Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III, isasakay ang mga ito sa chartered flight ng Philippine Airlines at ihahatid sa Villamor Airbase, alas-9:15 ng umaga.

Kabilang sa iuuwing nasawing OFWs ang 19 na pumanaw dahil sa COVID-19, habang 25 naman dito ang nasawi dahil sa ibang kadahilanan.

Paliwanag ni Bello, ang unang batch ng iuuwing labi ng OFWs ay kabilang sa 274 nasawing OFWs sa iba’t ibang lugar sa Saudi Arabia.

Sa Lunes naman inaasahang darating sa bansa ang second batch ng mga nasawing OFWs.

Nanawagan naman ang kalihim sa mga kaanak ng mga nasawing OFW na huwag nang magtungo sa Villamor Airbase.

Hintayin na lang aniya ang mga abiso para sa mga crematorium na kanilang pupuntahan.