November 21, 2024

COMELEC DATA LEAK, IIMBESTIGAHAN NG PRIVACY COMMISSION

Iimbestigahan ng National Privacy Commission (NPC) ang napaulat na Commission on Elections (Comelec) data hacking.

Inilabas ng NPC ang pahayag dalawang araw matapos ilathala ng Manila Bulletin ang ulat na na-hack ang data ng Comelec — network diagrams, IP addresses, listahan ng lahat ng privileged users, domain admin credentials, at iba pa.

Itinakda ng NPC ang pagdinig sa Enero 25 na isasagawa via teleconferencing.

Kaugnay nito, inatasan ng NPC ang COMELEC, Manila Bulletin at ang Technology Editor & IT Head nito na si Art Samaniego Jr.na naglabas ng ulat ukol sa sinasabing hacking na dumalo sa hearing.

Gayunman, sinabi ni Privacy Commissioner John Henry Naga na sinimulan na rin ng Complaints and Investigation Division nito ang sariling imbestigasyon.

Nagisyu na rin ng abiso ang NPC sa poll body para ipaliwanag ang sinasabing data breach.

Iginiit ng NPC na dapat sagutin ng COMELEC ang seryosong alegasyon at alamin kung nakompromiso ang mga personal at sensitibong impormasyon at datos na may kaugnayan sa eleksyon sa Mayo.

Ipinagutos din ng NPC sa poll body na magsagawa ng komprohensibong imbestigasyon sa insidente at isumite ang resulta hanggang Enero 21.