November 2, 2024

2 MIYEMBRO NG ‘LIM CRIMINAL GANG’ TIMBOG

Bagsak sa kulungan ang dalawang miyembro ng bagong indentified “Lim Criminal Gang” matapos makuhanan ng baril at shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Kinilala ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Northern Metro Manila District Field Unit (MMDFU) chief PLt. Col. Monico Cadayona ang naarestong mga suspek na sina Ramon Christopher Lim, 37 at Edwin Torres, 30 ng University St., Brgy. Potrero, Malabon City.

Ayon kay PLt. Col. Cadayona, dakong alas-7 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng CIDG-MMDFU sa pangunguna ni PCPT Vladimir Canapi ng buy-bust operation sa bahay ni Lim sa ng 1083 Ilang-Ilang St., Brgy., Karuhatan, Valenzuela City matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa illegal na pagbebenta umano ng mga suspek ng loose firearms.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa police poseur-buyer kapalit ng isang cal. 38 revolver ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.

Bukod sa baril, narekober pa kay Lim ang isang brown wallet na naglalaman ng limang plastic sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P13,000 ang halaga at buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 4 pirasong P1,000 boodle money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunation at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.