December 23, 2024

MMDA INIREKOMENDA NA IBALIK ANG NUMBER CODING SA NCR

MAARING ibalik ang number coding scheme sa Metro Manila sa susunod na linggo, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benjamin Abalos nitong Biyernes.

Ayon kay Abalos, susulat siya ng rekomendasyon sa mga alakalde ng National Capital Region (NCR) ukol sa muling pagpapatupad ng number coding scheme, na maglilimita sa bilang ng mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa Maynila.

Sinabi rin ng MMDA chief na nagsisimula nang bumalik sa pre-pandemic levels ang trapiko. Subalit aniya, pagbabawalan lamang ang mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada tuwing afternoon rush hour, na nangangahulugang maaari pa ring gamitin ng mga tao ang kanilang pribadong sasakyan.

Sa ilalim ng number coding scheme, ang mga sasakyan na may plate number na nagtatapos sa 1 at 2 ay ipagbabawal tuwing Lunes, 3 at 4 tuwing Martes, 5 at 6 kapag Miyerkules, 7 at 8 tuwing Huwebes, at 9 at 0 naman kapag Biyernes.