Isang magandang araw mga Cabalen ko. Kahit na tayo po ay nasa kalagitnaan ng pandemiya at ang Covid -19 ay hindi pa din lumalayas marami pa rin sa atin ay nagpapasalamat sapagkat maayos ang ating kalagayan sampu ng ating mga mahala sa buhay.
Sa kalagitnaan ng laban natin sa kontra Covid -19, hindi mabilang sa ating daliri ang mga problema na araw -araw ay nadadagdagan at kung minsan ay lumalala.
Ang dating normal na pagkilos ay napalitan ng limitadong galaw. Ang mga normal na pang araw- araw na gawain ay napakahirap nang isagawa dahil kailangan nating sumunod sa new normal na patakaran.
Dahil sa loob ng tatlong buwan na tila nasikil ang ating mga karapatan bilang isang tao, pilit tayong nagpupumiglas upang isagawa ang dati na nating ginagawa.
Marami ang nawalan ng hanapbuhay, at ayon sa ulat lalong dumarami ang nagugutom at naghihirap sapagkat walang mapagkunan ng kanilang kabuhayan.
Unti-unti po tayong pinakawalan ng batas na pinairal ng mga namumuno upang makapag-hanapbuhay subalit kulang pa rin po mga Cabalen sapagkat ang kalayaan na kanilang ibinigay para sa mga mahihirap ay hindi sapat.
Kabilang sa mga lubhang naapektuhan ng mga ipinatupad na quaratine ay ang mga mahihirap nating jeepney drivers na umaasa lamang sa kanilang kinikita araw-araw. Ito ang mga namamasada nng mga tinaguriang traditional jeepneys.
Nang isailalim sa General Quaratine ang NCR, naglabasan na ang ating mga kababayan na nais maghanapbuhay. Ang siste walang masakyan. Wala ang mga pamapasaherong jeep, mga bus na nakakakapuno sa EDSA, wala ang grab, wala ang mga UV express pati na mga tricycle.
Nakarating sa malakanyang ang hinaing ng sambayanan lalo na ng mga manggagawa. Nagsimula itong magpakawala ng iilang bus, bunuksan ang LRT at MRT, subalit wala pa rin ang traditional jeep na maghahatid sa ating mga kababayan palabas ng mga main roads.
Marami mga Cabalen ang nagalit at sumisigaw na anti-poor ang pinapairal na batas ng malakanyang. Hindi daw ito para sa mga ordinaryong Pilipino na kailangang gumamit ng public transportation upang makarating sa kanilang trabaho.
Ang pinapairal na New Normal ay pang mayaman daw. Sapagkat ang mga mayayaman ay makakarating sa kanilang trabaho dahil may sariling sasakyan. Sila ang mga may sinasabi sa lipunan na maraming naipon at hindi umaasa sa buwanang suweldo at hindi magugutom ang pamilya dahil karamihan sa kanila ay mga may katungkulan sa gobyerno o di kaya nag mamay-ari ng korporasyon.
Hanggang sa kasalukuyan mga Cabalen, hindi pa rin lubos na ibinibigay sa atin ang kalayaang gumalaw. Marahil marami ang nasasaktan sa kagipitan. Subalit kung minsan dapat tayong sumunod para din sa ating kapakanan.
Maluwag ang Edsa dahil limitado ang bus. Malinis ang malilit na daan sapagkat wala ang mga traditional jeepneys. Ang mga modernong jeep naman ay binigyan ng ibang ruta upang hindi makadagdag sa bigat ng trapiko.
Sa aking palagay mga Cabalen, marahil ang pandemiya ang naging daan upang masolusyunan ang mga problemang nakakabigat sa ating pag-usad. Marahil daan ito upang bawasan ang mga gawaing hindi naman kinakailangan sa pang-araw -araw na kabuhayan.
Ang disiplina na matagal nang nawala pati na ang malasakit sa kapwa.
000
Ipinahahtid ng KAPAMU at Agila ng Bayan ang maligayang pagbati sa lahat ng mga nagdiriwang ng kanilang kaarawan.
More Stories
Paggunita sa Kaarawan ni Emilio Jacinto, Matagumpay!
‘PASINGAW’ NG LPG NI ‘ERIC’ SA TIAONG, QUEZON WALANG SINASANTO AT WALANG KINAKATAKUTAN
LANDBANK INUPAKAN SA MALIIT NA PAUTANG SA MAGSASAKA, MANGINGISDA AT P3.6-B UTANG NG MARIKINA