Muling nanawagan si Mayor Toby Tiangco at Congressman John Rey Tiangco sa kanilang kababayan Navoteños na huwag palampasin ang pagkakataon magpabakuna ng Moderna at Pfizers vaccines na mayroon ang Pamahalaang Lungsod ngayon.
Ito’y matapos makarating sa kanila na sa 3,000 slots ng Moderna vaccine na nakalaan ay 948 lamang ang dumating para magpabakuna.
Labis na nanghinayang ang magkapatid na Tiangco dahil ang Moderna at Pfizer vaccines anila ang dalawa sa pinakamabisang bakuna sa Covid-19 variant na Delta na lubhang nakakahawa.
Anila, kapag hindi mauubos ang mga inilaan na Moderna vaccine sa pamahalang lungsod hanggang August 31, 2021, babawiin ito at mapupunta sa ibang Local Government Unit (LGU) na may mas mahigit na pangangailangan.
“Napakataas na po ng mga kaso natin at sa buong Pilipinas at ayon sa mga dalubhasa, tataas pa po ito. Kapag po kayo’y hindi bakunado, mas mataas ang tyansa na tamaan kayo ng Covid-19 ng malubha at ma-ospital o mamatay dahil dito. Kung hindi po kayo bakunado, hindi lamang po kayo ang nasa higit na peligro kundi pati na rin ang mga minamahal sa buhay at ang mga malalapit sa inyo,” pahayag ng magkapatid na Tiangco.
Maaaring mag-walk in ang lahat ng mga senior citizen, buntis, o PWD at uunahin silang asikasuhin sa lahat ng vaccination sites.
Bumisita lang sa pahina ni Mayor Tiangco at sa Navoteño Ako – Navotas City Public Information Office para sa mga karagdagang impormasyon at mga anunsyo. (JUVY LUCERO)
More Stories
Road stud lights ng dating alkalde ng Lobo, Batangas labag sa road safety standard ng mga motorista
3K PAMILYA INILIKAS SA SUNOG SA MAYNILA, MAYOR LACUNA AGAD NA SUMAKLOLO
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF