December 23, 2024

MGA NAWALAN NG TRABAHO NA ‘DI KASAMA SA AYUDA NG NAT’L GOVERNMENT MAKATATANGGAP NG P2,000 SA ILALIM NG KALINGANG QC PROGRAM

Makakatanggap pa rin ng P2,000 ayuda sa ilalim ng Kalingang QC program ang bawat manggagawa sa  Quezon City na nawalan ng kita dahil sa lockdown ngunit hindi kwalipikado sa enhanced community quarantine (ECQ) financial assistance mula sa gobyerno.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ang kuwalipikadong tumanggap ng P2,000 ay iyong manggagawa na nawalan ng sahod o self-employed na hindi makapagtrabaho dahil sa pag-iral ng enhanced community quarantine sa Metro Manila mula August 6 hanggang August 20.

Sakop umano ang lahat ng empleyado regular man, probationary, seasonal, part-time, project-based o fixed term.

Kailangan lamang magsumite ng application form sa barangay para sa verification at approval; magpakita ng QCitizen ID o anumang government-issued ID na may address, at certification mula sa employer o pay slip na patunay na hindi nakatanggap ng sahod.

Sa mga self-employed naman, kailangan ang residence certificate mula sa barangay kung saan nakasaad na hindi pinayagan ang kanilang trabaho sa ECQ.