November 5, 2024

ISKO ITINALAGANG PRESIDENTE NG AKSYON DEMOKRATIKO

Itinalagang bagong presidente ng Aksyon Demokratiko ngayong Huwebes si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bago ang napipintong 2022 national at local elections.

Sa isang pahayag, inanunsiyo ng partido na ibinoto ng mga miyembro nito si Moreno bilang bagong presidente sa ginanap na general membership meeting noong Martes ng gabi.

Dinaluhan ang pagpupulong ng mga incumbent officers nito kabilang sina Aksyon Demokratiko co-founder Sonia Roco at party executive vice president, Pasig City Mayor Vico Sotto.

“We agreed on the COVID-19 response then to providing jobs and livelihood at these times. We also agreed on the rule of law, focusing on education, housing, and health care. Aksyon is proud that Mayor Isko Moreno Domagoso was elected Party President,” ayon kay Ernest Ramel, na naihalal din bilang chairman ng partido.

“We are confident that he will be able to help lead the party in its thrust to be a unifying force in an atmosphere of heavy political polarization,” dagdag niya.

Welcome naman kay Moreno ang naging desisyon ng mga party member na iboto siya bilang pangulo ng partido.

“Nagkaroon kami ng maraming pagpupulong bago nila ako tinanggap at masaya ako na maraming alignments sa nais naming isulong sa Asenso Manileno, ang aking napapabilangang lokal na partido,” saad niya.

Ang Aksyon Demokratiko ay tinatag ng yumaong Sen. Raul Roco noong 1997 upang magamit sa presidential bid nito noong 1998 at 2004. Si Moreno naman ay dating opisyal ng National Unity Party (NUP) pero dahil nakipagkoalisyon ang partido sa Hugpong ng Pagbabago ni Davao City Mayor Sara Duterte ay kumalas ito.

Sa Setyembre ay pormal nang iaanunsiyo ng Aksyon Demokratiko ang kanilang mga kandidato para sa 2022 national at local elections.