November 24, 2024

OUTDOOR EXERCISE BAWAL NA SA NCR – MMDA

Inanunsyo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na bawal na ang outdoor exercise sa Metro Manila.

Ayon kay MMDA Chairman Benjur Abalos hindi na papayagang lumabas ng bahay ang mga nais na magsagawa ng outdoor exercise habang pinaiiral pa rin ang enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region ( NCR)

Paliwanag ni Abalos nagkaisa ang Metro Manila Mayor’s na gawin ang naturang hakbang dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Sinabi ni Abalos na nangangamba ang mga alkalde sa Kalakhang Maynila na lumaganap ang kinatatakutang sakit at maapektuhan ang health care system sa NCR.

Iginiit ni Abalos na nagpasa rin sila ng resolution kahapon ng hapon na ultimo paglabas ng bahay maski exercise bawal na dahil mahalaga sa kanila na  mapangalagaan ang mga taga Metro Manila sa dalawang linggong pagpapatupad ng ECQ.

Magugunita na sinabi noon ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bagama’t ECQ, papayagan ang mga individual exercises gaya ng jogging at biking kung nasa vicinity lang naman ng sariling barangay subalit kahapon nagpalabas ng desisyon ang mga alkalde ng Metro Manila na tuluyan ng ipagbawal ang outdoor exercise.