November 3, 2024

WALANG VIP TREATMENT SA SERBISYO NG MAKATI POLICE – COP COL. DEPOSITAR

Inamin ni Makati City Police Chief Col Harold Depositar na walang VIP treatment sa mga dating opisyal ng Makati at malaya ang galaw ng mga pulis sa lungsod sa usapin sa pulitika.

Sinabi ng opisyal na dumidistansya ang mga pulis sa usaping pulitika lalo na ngayong nalalapit ang halalan.

Nagpapasalamat naman si Depositar sa kasalukuyang alkalde ng Makati nasi Mayor Abegail Binay dahil hindi sila pinagbabawalan ng mga kasalukuyang nakaupo sa pwesto na magserbisyo sa mga residente ng lungsod kahit hindi kaalyado sa pulitika.

Inamin din ng opisyal na walang VIP sa kanila pagdating sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan ng Makati.

Inihalimbawa pa ni Depositar ang dating Vice President Jejomar Binay at ang dating Makati Mayor Junjun Binay na pumila mismo sa Makati Headquarters para kumuha ng kanilang police clearance.

Humanga naman si Depositar sa mag-ama na isa aniyang magandang halimbawa o ehemplo na dapat tularan ng mga halal o dating opisyal ng pamahalaan.

Samantala tinitiyak naman ni Depositar na kanyang tinututukan ang internal cleansing sa hanay ng Makati Police kung saan nagbabala siya sa mga sangkot sa katiwalian na agad na sisibakin kapag napatunayan ang kaugnayan lalong-lalo na sa ipinagbabawal na droga.