November 24, 2024

ELEAZAR SA MGA MAGULANG: INGATAN ANG MGA ANAK VS COVID-19 TUWING LALABAS NG BAHAY


Nagpaalala  si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa mga magulang na magdoble ingat sa paglabas kasama ang kanilang mga anak matapos payagan na ang mga batang may edad limang taon gulang pataas na makalabas ng kanilang tahanan.

Ayon pa kay  PGen Eleazar na may mga lugar pa rin na mahigpit na ipinagbabawal ang mga bata tulad sa mga mall.

“Paalala lang natin sa mga magulang na hindi lahat ng lugar ay pupuwede na ang mga bata. Maaari lang silang pumunta sa mga parks, playgrounds, mga outdoor tourism areas at biking and hiking trails basta’t kasama ang kanilang mga magulang,” ayon kay PGen Eleazar.

Kaniyang sinabi na hindi dapat makampante ang mga magulang sa paglabas ng bahay dahil nariyan pa rin ang banta ng COVID-19 at lalo pa itong bumabagsik dahil sa mga bagong variant.

“Kasama sa paglabas ng alituntuning ito galing sa IATF ay ang mabigat na responsibilidad sa mga magulang na protektahan ang kanilang mga menor de edad na anak laban sa COVID-19,” wika ni PGen Eleazar.

Dagdag pa niya, “Nararapat lamang na sa murang kaisipan ng mga bata ay ipakita na natin ang pagiging responsable sa pagsunod ng minimum public health safety protocols upang maitanim na sa puso at isip nila ang pagsunod sa mga alituntunin bilang isang responsableng mamamayan,”.

Nagbabala pa ang PNP Chief sa mga magulang: “Kung may mga paglabag sa mga panuntuhan ay ang mga magulang ang siyang mananagot.”

Ang bagong panuntunan ng IATF ay ipatutupad sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine at modified general community quarantine.

Hindi saklaw nito ang mga lugar na nasa ilalim ng GCQ “with heightened restrictions,” tulad ng Laguna at Cavite.

“With this development, inaatasan ko ang lahat ng kapulisan na hindi lamang maging ehemplo sa pagsunod ng mga alituntunin laban sa COVID-19 kung hindi maging maingat sa pananalita at sa gawa sa mga magulang at iba pang taong may kasamang bata na lalabag sa health safety protocol,” ayon pa kay PGen Eleazar.

 “Dapat sa murang kaisipan ng mga bata ay ipakita na natin kng ano tunay na kahulugan ng pulis- tapat, magalang at may integridad. Ang sinumang lalabag ay mananagot sa akin,” punto ni Eleazar (KOI HIPOLITO)