November 24, 2024

2 BARKO, NAGBANGGAAN SA MANILA SOUTH HARBOR

Lumubog ang isang cargo vessel na may pangalang MV Palawan Pearl na naglalaman ng 3,000 litro ng diesel oil sa Manila South Harbor matapos itong aksidenteng mabangga sa isang dayuhang barko Huwebes ng umaga, kung saan kaagad inilatag ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang isang oil spill boom matapos makitaan ng ‘oil sheen’ sa pinangyarihang lugar. (JHUNE MABANAG)

AGAD rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG) sa banggaan ng dalawang sasakyang pandagat sa Manila Bay anchorage area o sa labas ng Break Water.

Nangyari ito kaninang pasado alas-2:00 ng madaling araw.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na ang BKM 104 ay isang foreign utility vessel na kinontrata para magsagawa ng dredging at iba pang land development activity na kinakailangan sa pagpapatayo ng New Manila Airport.

Kalahati ng MV Palawan Pearl ang nakalubog ngayon, kaya inaagapan ang pobilidad na magkaroon ng pagkalat ng langis sa paligid nito.

Ayon kay 2/E Rexchel Fabrigas ng MV Palawan Pearl, halos 3,000 litro ng diesel ang laman ng oil storage tank ng naturang barko bago naganap ang insidente.

Mayroon din itong bukod na isang drum ng diesel, 60 litro ng engine oil at limang litro ng bilge oil.

Para ma-control ang pagkalat ng langis, maglalatag ng apat na segment ng oil spill boom ang PCG Marine Environmental Protection Command sa paligid ng barko.

Sa kabila ng insidente, walang nasaktan sa mga tripulante ng dalawang sasakyang pandagat.

Samantala, inabusahan naman ng PCG ang mga opisyal ng dalawang sea vessel na maghain ng marine protest kaugnay sa naganap na insidente.