November 5, 2024

KONSIDERA N’YO AKONG VP BET – DUTERTE


SINABI ni Pangulong Rodrugo Duterte na maaring siyang ikonsidera ng publiko bilang kandidatong tatakbo sa pagka-bise presidente sa 2022 elections.

“Maybe at this time you can say – maybe, to maintain the equilibrium sa lahat, consider me a candidate for the vice presidency at this time,” saad ni Duterte sa isang interview matapos ang inagurasyon ng LRT 2 East Extension Project.

Bagama’t sinabi ng Pangulo na tatakbo lamang siya kung mayroong puwang para sa kanya. Magpaparaya umano siya kung tutuloy si House Majority Leader Martin Romualdez na tumakbo sa pagka-bise presidente, saad niya.

May pangako kasi si Duterte na susuportahan niya si Romualdez kung tatakbong vice president sa 2022.

Sa kanyang public address noong Lunes, sinabi ni Duterte hindi naman masamang ideya ang pagtakbo niya bilang pangalawang pangulo.

Ayon naman sa kanyang tagapagsalita na si Harry Roque Jr., tinitimbang ng Pangulo ang pagtakbo bilang vice president dahil nitong ipagpatuloy ang kanyang giyera kontra droga at korapsyon.

Noong nakaraang buwan, itinanggi ni Duterte na tatakbo siya bilang vice president at planong magretiro pagkatapos ng kanyang termino sa 2022.

Pero hinikayat ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP) si Duterte bilang kanilang vice presidential bet na tinutulan naman ni Sen. Emmanuel “Manny” Pacquiao, ang presidente ng partido.

Noong Miyerkoles, nanawagan ang national council ng partido na magbitiw na si Pacquiao at pinaalis ito sa PDP-Laban.