November 23, 2024

PINAGHALONG COVID-19 VACCINES, TITIMPLAHIN NG DOST SA NCR, CEBU AT DAVAO

MANILA – Tatlong lugar sa bansa ang ikinokonsidera ng pamahalaan na pagdausan ng clinical trial o pag-aaral para sa “mixing” ng COVID-19 vaccines.

A nurse reaches for a vial of AstraZeneca vaccine at a mass COVID-19 vaccination clinic in Calgary, Alta., Thursday, April 22, 2021.THE CANADIAN PRESS/Jeff McIntosh

Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), target nilang gawin sa National Capital Region, Cebu, at Davao ang pag-aaral na tatagal ng 18 na buwan.

“The choice of the actual sites will depend on the willingness of LGUs to collaborate with us,” ani Science Usec. Rowena Guevara.

“As usual, we will have a call for applicants or volunteer participants. Kung pwede kang mag-volunteer, it depends on the sites that will be chosen by project leaders.”

Napili raw ang mga rehiyon at lalawigan dahil sa mataas na bilang ng COVID-19 cases na naitatala sa kanilang mga lugar.

Paliwanag ng opisyal, kailangan kasi na malapit sa ospital ang trial sites bilang paghahanda sa posibleng side effects.

Una nang sinabi ng DOST na posibleng sa susunod na buwan magsimula ang pag-aaral sa pagbibigay ng magkaibang vaccine brand bilang first at second dose.

“Ico-conduct natin yan para masagot yung tanong na: Kapag ba yung isang brand ang aking first dose at sinundan ko ng second brand, anong mangyayari sa immunogenicity at safe ba gawin?”

Ayon sa DOST, partikular na tutukuyin sa clinical trial ang epekto kapag ihinalo ang Sinovac COVID-19 vaccine sa ibang brand ng bakuna.

“In a nutshell, it means two different vaccines for a single person’s two doses. To carry out the aims of the study, the safety and immunogenicity of completing the vaccination series from the available COVID-19 vaccines in the Philippines will be evaluated for those given Sinovac as the first dose,” ani Sec. Fortunato de la Pena.

Target ng DOST na makapag-enroll ng higit sa 1,000 volunteers.

Bukod sa paghahalo ng vaccine brands, isasabay na rin daw ng DOST sa pag-aaral kapag nagbigay ng ikatlong dose o “booster shot” ng bakuna.

“Itong clinical trial ng mix and match ay isa lang yan… kasama siya ng booster.”

Dahil sa banta ng mga SARS-CoV-2 variants na kayang labanan ang bisa ng mga bakuna, umaasa rin daw ang Science department na makakalikom sila ng datos tungkol sa epekto ng vaccine mixing sa mga bagong anyo ng virus.

“In a way when they do the measurements for the different immune response analysis, they would be able to determine if a combination would probably work better to a particular variant.”

Sa ngayon inaasikaso pa rin daw ng DOST ang mga dokumentong kailangan para maaprubahan ng Ethics Review Board at Food and Drug Administration ang clinical trial.

May pangako rin umano ang FDA para matapos sa loob ng 21 araw ang pagsusuri sa mga isusumiteng requirements ng Science department.

“Yun yung inaasahan namin, the moment na maka-submit yung researchers, mabilis na magagawa yung evaluation sa kanila.”