November 24, 2024

High Value Individual na tulak ng droga patay sa engkuwentro sa Cavite

Bacoor City, Cavite – Idineklarang patay na bago pa madala  sa isang pagamutan ang suspek na pinaghihinalaang nagbebenta ng iligal na droga at itinuturing din na High Value Individual o HVI ng makipagpalitan ito ng putok ng baril sa mga aaresto sanang mga operatiba ng Bacoor Station City Police –  Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagsagawa ng drug buy-bust operation dakong 1:56 ng madaling araw sa Brgy. Niog 3 ng nabanggit na bayan.

Kinilala ang suspek na si Rainiel Daguindal alyas “Yatpey” nasa hustong gulang at residente sa naturang lugar.

Base sa ulat na ipinadala ni Cavite Provincial Police Office Provincial Director Marlon Roque Santos kay Calabarzon Regional Director (PRO4A) PBGen. Eliseo DC Cruz, nakipagtransaksyon ‘di umano ang isang pulis undercover sa suspek para bumili ng limang gramo ng droga kapalit ng halagang walong libong piso. Subalit nagpakita pa ‘di umano ang suspek ng isang medium plastic sachet na naglalaman ng mga pinaghihinalaang shabu na may timbang na humigit kumulang sa 50 grams at meron street market value na P340,000.

Subalit nakaramdam umano ang suspek na pulis ang kaniyang katransaksyon at binunot ang dalang isang Armscor cal.45 na baril at ipinutok sa pulis na masuwerteng nakatakbo at nagkubli. Mabilis naman gumanti ng putok ng baril ang mga pulis sa suspek na nakitang nakabulagta at sugatan matapos ang putukan dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan.

Agad naman nagresponde ang mga miyembro ng Bacoor Department of Risk Reduction Management Office (BDRRMO) para dalhin sa pinakamalapit na ospital subalit binawian na ito ng buhay ayon kay Nelson Millado ng BDRRMO.

Hiningi na ang tulong ng mga miyembro ng Scene of The Crime Operatives (SOCO) para mag-imbestiga  sa lugar ng crime scene. (Koi Hipolito)