November 25, 2024

PALASYO: 1 WEEK ECQ PA SA NCR (Matapos dumami kaso ng COVID-19)

MULING isinailalim sa isang linggo pang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at apat pang kalapit nitong lalawigan na magsisimula sa Lunes, Abril 5.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, matatapos ang ECQ period sa Metro Manila, Cavite Bulacan, Laguna at Rizal hanggang Linggo, Abril 11.

“Nagrekomenda po ang inyong IATF na pahabain pa ang ECQ ng minimum na isang linggo sa buong Metro Manila at mga probinsya ng Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal,” ayon kay Roque.

Aniya, aprubado na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mas paiigtingin pa ang pagpapatupad sa “Prevent, Detect, Isolate, Treat and Reintegrate (PDITR)” strategy sa ECQ.

 “Kinakailangang paigtingin po yung ating tinatawag na PDITR o yung ating prevention, detection, isolation, tracing at reintegration at dahil dito po, nire-require po natin ngayon na magkaron ng daily monitoring ang lokal na pamahalaan, ang ating mga NTF czars para po malaman natin kung ano ang resulta ng pinaigting na PDITR,” aniya.

Kabilang sa nasabing estratehiya ay ang pagbabahay-bahay para mahanap ang mga taong may sintomas at isailalim sa PCR testing at isolation,” ayon kay Roque.

Nauna nang ipinatupad ang ECQ sa mga nabanggit na lugar noong March 29 hanggang April 4, 2021.

Subalit humirit ang Department of Health at OCTA Research group na i-extend ang ECQ ng isa pang linggo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.