December 24, 2024

LOCKDOWN SA NAVOTAS CITY HALL, PINALAWIG


PINALAWIG
ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang lockdown sa Navotas City Hall, kabilang ang Navotas City Hall Annex (kasama ang NavoServe) at Franchising Permits Processing Unit matapos may nadagdag na 63 kawani na nagpositibo sa COVID-19.

Ito’y base sa isang Executive Order No. TMT-019 na pinirmahan ni Mayor Toby Tiangco na nagpapalawig sa lockdown ng hanggang March 9, 2021

Ayon kay Mayor Tiangco, sa isinagawang mass testing ng mga kawani ng city hall, napag-alaman na may nadagdag na 63 na nagpositibo sa COVID-19.

“Para mapangalagaan ang kapakanan ng bawat empleyado at mga mamamayang pumupunta sa city hall, kinailangan pong habaan pa ang ating lockdown. Kung may urgent concerns man po sa alinmang tanggapan ng pamahalaang lungsod, maaari po kayong mag-email sa [email protected]” ani alkalde.

“Manatili po tayong mag-ingat dahil hindi po natin nakikita ang virus. Kahit hindi man natin iindahin ang COVID-19, maaaring ang mga kasama natin sa bahay na mahihina ang katawan ang lubhang maapektuhan o mamamatay. Wag po tayong kampante at magtulungan tayo para mapigil ang paglala ng hawaan sa ating lungsod” paalala ni Mayor Tiangco.

Unang isinailalim sa lockdown ang Navotas City Hall noong 23 February, 8:01PM,  hanggang sa Linggo, 28 February, 11:59PM matapos may 24 kawani nito ang nagpositibo sa COVID-19.

Nitong February 28, pumalo na sa 6,086 ang tinamaan ng naturang sakit sa lungsod, 311 dito ang active cases, 5,582 ang mga gumaling at 193 ang binawian ng buhay.