December 24, 2024

Tanod at hipag, arestado sa P1 milyon halaga ng shabu sa Navotas

Arestado ng mga operatiba ng Navotas Police SDEU si Kathrice Leongson, 31, (pusher/ listed) at kanyang bayaw na si Mark John Melejor, 28, barangay tanod sa isinagawang buy-bust operation sa Taurus St., Brgy. San Roque, Navotas City. Nakuha sa kanila ang nasa 147.6 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa mahigit P1 milyon ang halaga, at P1,000 buy-bust money. (RIC ROLDAN)

Swak sa kulungan ang isang barangay tanod at kanyang hipag matapos makumpiskahan ng higit sa P1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Navotas city, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek na si Kathrice Leongson, 31, (pusher/ listed) ng Blk 34 Taurus St., at kanyang bayaw na si Mark John Melejor, 28, barangay tanod ng Aries St., kapwa ng Brgy. San Roque.

Sa report ni Col. Ollaging kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Nelson Bondoc, dakong 9 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni Navotas police deputy chief for operation PLTCOL Antonio Naag ng buy-bust operation sa Taurus St., Brgy. San Roque.

Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makapagtransaksyon ng P1,000 halaga ng shabu sa mga suspek at nang tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa poseur-buyer ay agad silang dinakma ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 147.6 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa isang brown paper bag na may standard drug price na P1,003,680.00 ang halaga, at buy-bust money.

Ayon kay Col. Ollaging, ang asawa ni Leongson ay kasalukuyang nakakulong matapos maaresto kamakailan ng mga operatiba ng Navotas police sa isang drug operation na naging dahilan upang ipagpatuloy ni Kathrice ang illegal drug trade ng mister kasama ang kanyang bayaw.