November 19, 2024

‘PARANG EXTORTION LANG, PARANG KRIMINAL (Robredo inupakan ang banta ni Duterte na bayad muna bago VFA)

MANILA – Ikinumpara sa extortion o pangingikil ni Vice President Leni Robredo ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat munang magbayad ng Amerika kung gusto nitong ibalik ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Pilipinas.

“Parang extortion lang, Ka Ely. Parang ano eh, parang kriminal eh. ‘Kung gusto mo nito, magbayad ka muna’,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Nitong Biyernes nang bitawan ng pangulo ang pahayag at akusahan ang Estados Unidos ng pagmamalabis sa bansa.

Sinabi rin nitong napako na ang mga pangako ni dating Pres. Donald Trump tungkol sa mga rockets.

“I would like to put on a notice, if there is an American agent here, that from now on, you want the Visiting Forces Agreement done? You have to pay. It’s a shared responsibility, but your share of responsibility does not come free,” ani Duterte.

Una nang pumalag si Sen. Panfilo Lacson sa sinabi ng pangulo, kasabay ng paghingi ng tawad sa mga Amerikano.

“Dear Sam, … Just to clarify, please be informed that we are not a nation of extortionists; and more so we are not greedy. Err … not all,” nakasaad sa naka-delete nang post ng mambabatas.

Ayon kay Robredo, dapat may matibay na basehan ang tuluyang paglayo ng bansa sa VFA, lalo na’t matagal nang magka-alyansa ang dalawang estado.

Dagdag pa ng bise presidente, hindi dapat maging basehan ang pera para tumatag ang relasyon ng Pilipina sa ibang bansa.

“Parang nakakahiya. Nakakahiya na… ‘di ba… Iyong ano ko nga, parang… parang nag-eextort tayo.”

“Kapag sinabi nating ayaw nating i-renew iyong VFA, ilatag natin kung bakit. Ipakita natin bakit hindi siya nakakabuti sa atin. Hindi iyong pera iyong consideration.”