September 22, 2024

LALAKI KINATAY NG KAPITBAHAY (Dahil sa yosi)

Nasawi ang isang 55-anyos na lalaki matapos pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay makaraan ang pagtatalo dahil sa sigarilyo sa Valenzuela City.

Dead on arrival sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang si Eduardo Mercado habang nakapiit naman ngayon at nahaharap sa kasong murder at theft ang suspek na kinilalang si Erwin Bagtas, 33, kapwa ng L. Bernardino St. Brgy. Gen. T. De Leon.

Sa tinanggap na ulat ni Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega, dakong alas-1:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng L. Bernardino St.

Lamabas sa imbestigasyon, pauwi ang biktima kasama ang kanyang pamangkin at apo galing sa tindahan nang harangin sila ng suspek at nanghingi ng sigarilyo.

Nang sabihin ng biktima na walang sigarilyo ay inagaw ng suspek ang hawak niyang P1,000 bill na naging dahilan ng kanilang pagtatalo hanggang sa suntukin ng una ang huli.

Kumuha naman ng kitchen knife ang suspek at pinagsasaksak si Mercado sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago mabilis na tumakas.

Isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan samantalang naaresto ng mga pulis sa follow up operation sa Sumulong Highway, Antipolo City ang suspek habang sakay sa isang tricycle. Ayon kay PLT Armando Delima, ang suspek ay kabilang sa drug watchlisted ng pulisya at dati na rin ito naaresto dahil sa ilegal na droga.