September 22, 2024

RESORT NI SANDRA CAM, NIRATRAT NG BALA (2 sugatan)

Sugatan ang dalawang bata na guest sa resort na pag-aari ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Sandra Cam matapos itong paulanan ng bala ng mga riding-in tandem suspects kagabi sa Batuan, Masbate.

Kabilang sa mga sugatan ang isang limang taong gulang na batang babae at isang siyam na taong gulang na lalaki na halos lumabas umano ang bituka sa tindi ng tama ng bala.

Ayon kay Cam, naniniwala ito na may bahid pulitika ang nasabing insidente lalo pa at wala naman aniyang ibang may galit sa pamilya nila sa lalawigan.

Dagdag pa ng opisyal na bago pa maipasok sa ICU ang isa sa mga biktima, nakapagsalita pa ito na kilala niya ang isa sa mga namaril kung saan nakita ng mga ito ang mukha ng salarin.

Nabatid na hindi ito ang unang beses na nangyari ang kaparehong insidente na tila umano nagbabanta sa pamilya Cam subalit pinalagpas lamang nila.

Kaugnay nito, siniguro ng opisyal na sa pagkakataong ito ay hindi niya papalampasin ang ganitong uri ng karahasan lalo pa at may mga inosenteng tao ang nadadamay.

Sa kasalukuyan ay ligtas na sa kapahamakan ang isa sa mga biktima habang nasa kritikal pang kondisyon ang isa sa mga ito. Samantala, bumuo na ng team ang kapulisan na mag-iimbestiga sa krimen lalo pa at kakaupo lamang kahapon ng bagong hepe ng Batuan Municipal Police Station.