September 22, 2024

Taxi driver itinumba ng riding-bicycle

Nasawi ang isang 43-anyos na taxi driver matapos barilin sa ulo ng hindi kilalang riding-bicycle gunman habang nakatayo ang biktima sa gilid ng kalsada sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Angela Rejano, dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo si Eduard Nonong, ng 51 Kaingin Road, Balintawak, Quezon City.

Habang ang suspek na nakasuot ng brown t-shirt ay mabilis na tumakas sakay ng bisikleta patungong Del Monte Avenue, Brgy. Potrero matapos ang pamamaril.
Sa imbestigasyon ni homicide investigator P/SSgt. Jose Romeo Germinal II, dakong 4 ng hapon, nakatayo ang biktima sa kahabaan ng Banana Road, malapit sa Victoria Court sa Brgy. Potrero nang lumapit mula sa likod ang suspek na sakay ng bisikleta at walang sabi-sabing binaril sa ulo si Nonong.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 na rumesponde sa crime scene subalit, nabigo ang mga ito na maaresto ang suspek. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek habang inaalam pa ang motibo sa insidente.