November 3, 2024

CALATAGAN SA BATANGAS ‘DI DAPAT MATULAD SA CAGAYAN

WHERE have all  the forest gone?

Halos ay wala nang virgin forest sa ating kabundukan bunga ng kabuktutan ng iilan.

Sa pagdaan ng maraming dekada sa ating panahon, patuloy pa rin ang talamak na paglapastangan sa ating kapaligiran ng mga dambuhalang gumagahasa sa inang kalikasan kahit na magdudulot ito ng potensiyal na kapahamakan para sa mamamayan na hindi alam kung kailan ito magiging malagim na kaganapan. At ang pasimuno  ay ang mga walang kaluluwang mamumuhunan kasapakat ang mga nasa poder ng kapangyarihan.

Isang patunay na pag-ganti ng mother nature ay ang kapahamakan at sakuna sa mga bayang nalapastangan ang kabundukan at kagubatan sa iba’t ibang panig ng kapuluan kung kaya ang mga delubyong nararanasan  ay kagagawan ng tao (man-made) at ngitngit ng kalikasan. 

Ilan pang Yolanda, Ondoy, Rolly, at Ulysses ang mananalasa sa ating bayan kung di mapipigilan ng pamahalaan ang ganitong kasakiman ng iilan. Sana ay huli na ang Cagayan.

Ang bayan ng Calatagan sa Batangas ay isang maituturing na ideyal na lunduyan ng mamamayang taal na naninirahan at ng  mga turistang lokal at dayuhan na nabighani sa mayuming lunan na nabiyayaan ng luntiang kabundukan, mahalina at mahalamang kapatagan at mayamang karagatan kung kaya tinatawag ito ng mga naunang naninirahan sa pamayanan na KALATAGANDA.

Ang pagmamalaki ng mga mamamayan doon noon ay napalitan ng pangamba nang marinig ng mga mangingisda, magsasaka, mangangaso, taal na Calatagueños na mga obrero, ordinaryo hanggang mga  propesyonal  na tao ang mga nagsasabugang lupa at bato sa kabundukan at mga nagtutumbahang malalaking  puno pati ugong ng mga pamutol ng troso at mga bulldozer na pumapatag sa bundok na gawain ng mga dambuhalang  imbestor para sa mga minero at kwariyista na ayon sa mga taga-roon ay nagsimula ang quarrying noon pang   nakaraang administrasyon.

Sa panahon daw na iyon ay kakampi ng administrasyon ang punong-bayan doon kaya nagkaroon ng pagkakataon ang mga buwitre ng kalikasan na sirain ang bundok at durugin ang mga bato para maging graba at kwartang maliwanag sa mamumuhunang  sa kasasapitan ng tao ay wala silang pakialam

Halos ‘di daw makatulog ang mga taga-iba’t ibang barangay doon dahil sa blasting sa araw at gabi kaya lumalim na ang kanilang pamayanan na sa iglap na todong ulang abot ng siyam-siyam ay lulubog ang kabayanan at kanayunan na kikitil ng maraming buhay kung hindi ito tutuldukan ng kasalukuyang pamunuang lokal at nasyunal na pamahalaan.

Ang imbestor ayon sa mga konsernadong mamamayan ay mula pa sa Gitnang Silangang Asia na super-yaman kaya ang lagayan doon para maka-operate ay bunga na ng kasakiman ng mga nasa kapangyarihan mula pa sa latak ng dating administrasyong nakinabang.

Nakaka-pangamba at namumuhay na  sa takot sa kasalukuyan ang mga taga-Calatagan dahil ayaw nilang matulad sa sinapit ng mga taga-Cagayan kung saan ang kalamidad ay bunga ng kahayupan ng iilang tao na ang  sinasamba ay SALAPI at GINTO. Kaligtasan ng Calatagan ang hiyaw ng mamamayan. Itigil na ang paninira ng kalikasan. Itapon sa kanilang pinanggalingan ang mga ganid na mamumunuhan at panagutin ang mga kasabwatan sa sakim na pagpapayaman… DENR, pagkakataon niyo na ito para sa sangkatauhang kabayanihan. Lahatin niyo na… ABANGAN!!!