November 24, 2024

Koreano na nakatakas sa kulungan noong 2019, arestado muli

Iprinisita ni NCRPO Chief Debold Sinas ang Koreanong si Park Wang Yeol na naaresto nila matapos makatakas sa kasong pagpatay sa 3 pang Koreano, na natagpuan ang mga bangkay sa isang tubuhan sa Bacolor, Pampanga noong 2016. (DANNY ECITO)

BALIK-KULUNGAN ang isang Korean national, matapos tumakas sa kulungan noong 2019, nang magsumbong ang isang impormante sa pulisya patungkol sa kinaroroonan ng naturang dayuhan sa lalawigan ng Laguna.

Sa nakalap naming report, kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Debold Sinas ang suspek na si Park Wang Yeol alyas Park Zanjo, na nagawang matakasan ang mga jail guard matapos dumalo sa pagdinig sa Regional Trial Court, Branch 64 sa Tarlac City.

Ayon kay Sinas, nagsagawa ng surveillance ang pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Division (RID) Regional Special Operation Group (RSOG)-NCRPO at Calabarzon police matapos isumbong ng isang informant na ang kinaroroonan ng tumakas na dayuhan sa isang barangay sa Sucol, Laguna noong Oktubre 27.

Matapos ang patuloy na pagmomonitor, inahain ng mga operatiba ang arrest warrant laban kay Park sa nasabing lugar noong Oktubre 28, Miyerkules ng alas-6:35 ng gabi.

Nakakulong ngayon si Park sa RSOG NCRPO at hinihintay pa ang commitment order na ilalabas ng korte upang muli siyang ilipat ng piitan.

Lumalabas sa record ng pulisya, na ang suspek na Koreano ay subject ng isang Interpol Red Notice na may patong na P300,000 reward kapalit ng kanyang pagkaaresto.



Noong Oktubre 11, 2016, naaresto si Park ng immigration agents sa Parañaque City dahil sa pagpatay sa tatlo niyang kababayan sa isang isang taniman ng tubo sa Pampanga. Nadiskubre ang mga katawan ng biktima na sina Sim Tae So, Maeng Jung Yeon at Park Young Pi na may mga tama ng bala sa ulo at sugat sa katawan.

Nahaharap din si Park sa kasong illegal possession of firearms sa Tarlac.

Naglabas na rin ang korte ng departure order laban sa kanya, at ipinagbabawal na makaalis ng bansa dahil sa kanyang kaso ng three counts of murder sa Pampanga.