November 24, 2024

2 umanong miyembro ng Abu Sayyaf nalambat sa Pasay City

Iprinisinta sa media ng mga opisyales ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang suspek na sina Jamar Iba y Garsula a.k.a “Bas” at Raden Jamil y Janing a.k.a. Tamaya kapwa miyembro umano ng Abu Sayaf Terrorist Group (ASG) matapos itong maaresto sa Pasay City ng mga operatiba ng NBI-Counter-Terrorism Division dahil sa pagkakasangkot sa ibat’ibang kasong Kidnapping and Serious Illegal Detention with Ransom. (JHUNE MABANAG)

ARESTADO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawa umanong miyembro ng Abu Sayyaf Group na wanted dahil sa pagkakasangkot sa 2002 kidnapping case.

Kapwa nadakip ng mga ahente ng NBI sa Pasay City sina Jamar Ibi alyas “Bas” noong Oktubre 12 at isang Raden Jamil alyas “Tamiya” noong Oktubre 19, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte dahil sa kidnapping at serious illegal detention with ransom.

Sangkot ang dalawa sa pagdukot sa anim na miyembro ng Jehovah’s Witness sa Patikul, Sulu noong Agosto 20, 2002.

Ilang araw nagsagawa ng surveillance operation ang NBI bago nagkasa ng pagsalakay.

Ayon sa bureau, namukhaan ng witness sina Ibi at Jamil na kabilang sa mga wanted.

Kapwa nakakulong ang dalawa sa NBI Detention Facility sa Maynila.

Sinabi ni NBI officer-in-charge Eric Distor, na limang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group ang naaresto ng operatiba ngayong taon.

Noong 2013, inutos ng Department of Justice ang pagpapalaya sa 18 hinihinalang Abu Sayyaf dahil sa kakulangan ng ebidensiya na sangkot ang mga ito sa kidnapping.