December 31, 2024

9 arestado sa sugal, droga at baril sa Valenzuela

SWAK sa kulungan ang siyam katao, kabilang ang isang ginang matapos maaresto ng pulisya sa ilegal na sugal, droga at baril sa magkakahiwalay na lugar sa Valenzuela City.


Sa ulat ni PMSg Carlos Erasquin Jr kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, alas-8:15 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng Sub-Station 8 ng Valenzuela police sina alyas “Perlita”, 47, alyas “Jeremy”, 25, at alyas “John”, 19, sa illegal na sugal na “Loteng” sa Kabuhayan St. Brgy. Mapulang Lupa.


Nasamsam sa kanila ang Loteng booklet, ballpen at P300 bet money habang ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,400 ay nakuha sa ginang.


Nauna rito, nadakip din ng mga tauhan ng SS9 sina alyas “Ricky”, 49, at alyas Rolando”, 41, matapos maaktuhang naglalaro ng sugal na ‘cara y cruz’ sa N. De Galicia St., Brgy. Maysan dakong alas-3:40 ng hapon.


Nakumpiska sa dalawa ang tatlong peso coins na gamit bilang ‘pangara’ at P350 bet money habang nakuha nakuha naman kay ‘Rolando’ ang isang heat sealed transparent plastic sachet ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P3,944.00.


Sa Brgy. Bignay, naaresto naman ng mga tauhan ng SS7 sina alyas “Bejamin”, alyas “Ariel” at alyas “Adan” matapos maaktuhang nagsusugal ng ‘cara y cruz’ sa Blk 35 Northville 2 bandang alas-11:50 ng gabi.


Nakuha sa kanila ang tatlong peso coins na gamit bilang ‘pangara’ at P250 bet money habang ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang pinatuyonmg dahon ng marijuana ay nasabat kay ‘Benjamin’.


Samantala, nakuhanan naman ng isang sachet ng hinihinalang shabu at isang cal. 22 revolver na kargado ng isang bala si alyas “Jobert” nang tangkain takasan ang mga tauhan ng SS6 na mag-iisyu sana ng tiket sa kanya dahil sa paglabag sa city ordinance (smoking in public) sa I. Fernando St., Brgy. Malanday dakong alas-3:45 ng madaling araw.